Simula ng Katapusan

MADILIM ang gabi, walang mga bituin, tanging ingay lamang ng mga kuliglig ang nagsisilbing patunay na hindi pa tapos ang kalbaryo niya.

Buhay pa siya kahit pakiramdam niya’y paulit-ulit na siyang pinatay.

Hindi siya dapat mag-iwan ng bakas, hindi siya maaaring masundan. Katakot-takot na ang dinanas niyang pahirap. Kailangan na iyong matuldukan.

At ito na marahil ang simula ng katapusan.

Putok ang kaniyang mga labi, sugatan ang buong katawan, nababalot naman ng pasa’t latay ang maputlang balat. Ngunit sa kabila ng mga iyon, hindi naman mawala-wala sa kaniyang isipan ang iisang bagay: kailangan niyang tumakbo.

Nanginginig man ang mga tuhod, tahimik at nagmamadali niyang binagtas ang daan sa gitna ng mga talahiban habang karga-karga ang isang buwang gulang na si Mira—ang kaniyang mahal na anak na hindi man lang umiyak sa kabila ng lamig. Habol-habol niya man ang bawat paghinga, isang masuyong halik ang kaniyang inilapat sa noo ng maliit niyang anghel.

Bilang niya ang bawat hakbang, hindi siya maaaring magkamali. Ilang beses niya na itong binalik-balikan. Kahit madilim ay kabisado niya na ang masukal na daan. Iika-ika man, hindi siya tumigil sa paglalakad, pilit na isinasalba ang anak at ang sarili sa impyernong minsan niya nang kinabagsakan.

Kaunti na lang.

Sa ‘di kalayua’y nakita niya na ang tanging sasalba sa kanila. Ang luma at maliit na bangkang ilang beses niya nang nakikitang naka-daong sa tabi ng ilog. Madalas kasi siyang dalhin ni Julio sa lugar na iyon dahil malapit lang ito sa bahay nila at doon din ito nangingisda ng makakain nila.

Parang batang binalot ng tuwa ang puso niya nang makalapit siya rito. Marahan niyang ipinatong si Mira sa damuhan bago sumuong. Ayaw niya kasi itong mabasa. Hindi niya alintana ang lamig ng tubig na inaapakan na umabot na hanggang beywang. Mabilis pa sa alas-kwatro niyang tinanggal ang pagkakatali ng lubid sa isang puno.

Sabik na siyang makaalpas.

Nang makita niyang tama na ang lalim para makasuong ang bangka, dali-dali niyang kinuha ang anak at sumampa. Mabilis ngunit ma-ingat niyang kinampay ang sagwan sa tubig. Linalasap ang malamig na simoy ng hangin. Pakiramdam niya’y mababaliw na siya sa sobrang tuwa nang maramdamang umaandar na ang bangka.

Makalalayo na sila. Makapagsisimula na sila ng panibagong buhay ni Mira. Buhay na wala si Julio. Ngunit ang panandaliang saya’y nabalot ng takot ng isang sigaw ang naulinigan niya mula sa pinanggalingan, “Tumigil ka! Kung hindi, mapipilitan kaming paputukan ka!”

Awtomatikong pumatak ang mga luha sa mata niya, kasabay ng muling pagkawarak ng puso niya.

“Wag kang mag-alaala, Mira. Magiging okey rin ang lahat.” Yinakap niya muna ito habang ang isang kamay naman ang pinang-sagwan. Ngunit sa ginawa niyang iyon, isang malakas na putok ang umalingawngaw. Naramdaman niyang uminit at namanhid ang bandang balikat.

Wala na siyang kawala.

 

***

“SINISINTENSYAHAN ka ng Reclusion Perpetua o habang buhay na pagkakakulong sa salang pagpatay kay Julio Miraveles.”

Paulit-ulit na naglalaro sa utak ni Anna ang mga salitang iyon. Ilang buwan na rin siya sa kulungan ngunit hindi niya pa rin makalilimutan ang bawat salitang iyon.

Mamamatay-tao siya sa harap ng lipunan.

Napangiti siya nang mapakla habang hinahawakan at dinadama ang malamig na rehas. Mabaho ang lugar, naghalo-halo na ang amoy ng ihi, dumi, regla at kung ano-ano pa. Natawa siya habang nilalanghap ang masangsang na amoy. Mas mainam pa nga ang rehas na ito kumpara sa bahay nila ng asawa niyang si Julio.

Ano ba ang tawag sa pumapatay ng kaluluwa? Mamamatay-tao rin ba?

Habang lumuluha, unti-unting nagbalik sa kanya ang nakaraan.

***

“Tiyang, ayoko! Kinse pa lang ako, gusto ko pa grumadweyt ng hayskul!” Umiiyak na lumuhod si Jessa habang tinitingnan sa mata ang matandang babaeng pinipiling pasamahin siya sa dayong si Julio.

“Ayaw mo ba sa kanya? Lahat ng dalaga rito sa ‘tin, nagkakagusto sa kanya? Ma-pera siya. Malaki ang bukid niya at malaki rin ang bahay. Wala ka nang hahanapin pa,” pangangatwiran ng matanda habang sinisilid sa bayong ang mga damit ni Jessa.

Napailing si Jessa. “Bata pa ho ako,” garalgal na turan niya.

Tumawa lang ang matanda at patapon na inabot sa kanya ang bayong. “Nireregla ka na. Anong bata ang sinasabi mo? Mag-isip ka nga. Ulila ka na, sino pa sa tingin mo magpapa-aral sa ‘yo. Ako? Kita mo nang nirarayuma na nga ako. Magtra-trabaho pa ba ako para sa ‘yo?”

Napayuko si Jessa. Sa tono pa lamang ng tiyang niya, alam niyang wala na siyang magagawa.

***

“Uy, kosa, kain na.” Napalingon si Anna. Tumambad sa harapan niya ang isang matandang babae. Si Alice na isang shop-lifter. May dala itong isang plato ng pagkain. Isang pritong isda at mala-lugaw na kanin. Umupo ito sa tabi niya bago linantakan ang dala. “Pumunta ka na ro’n,” ngumuso ito, tinuturo ang pinanggalingan niya. “Kuha ka na, baka maubusan ka pa.”

Napailing siya at hindi niya man ipakita, nandidiri siya sa pagkaing kinakain nila. Kahit kailan, hindi naman siya pinakain ng ganoon. Hirap man sa buhay ay maayos lagi ang kinakain nila. Kahit nang kasama niya si Julio, hindi siya nakakain ng ganoong pagkain.

“Ayaw mo talagang kumain? Mamamatay ka sa gutom.”

Ngumisi lang siya. Iyon na nga ang gusto niya. Ano pa nga bang rason para mabuhay siya? “Sige lang, kain ka lang.”

Tumango naman ang katabi at nagpatuloy sa pagkain. Ilang sandali pa ay nagtanong ito. “Ilang taon ka na ba, Anna?”

“Hindi ako si Anna,” malamig niyang sagot.

“Nababaliw ka na ba?” Tumawa ito na para bang baliw ang kaharap niya at muling nagsalita, “Anna Miravel…Miraveles! Oo, Miraveles nga pala apelyido mo.”

Umiling siya at muling tumingin sa kawalan. Uli-uli, naalala niya ang sinabi sa kanya ni Julio bago sila magpakasal.

***

“Hindi na Jessa ang pangalan mo. Naayos ko na ang papeles mo. Ikaw na si Anna Pedroso. At mamaya pagkatapos ng kasal natin sa munisipyo, magiging Miraveles ka na,” malawak ang ngiting sambit ni Julio habang pilit na yinayakap siya.

“Anong sinasabi mo? Hindi tayo pwedeng magpakasal. Kinse anyos pa lang ako. At hindi Anna ang pangalan ko.” Itinulak niya si Julio ngunit malakas ito kaya nabaligtad ang sitwasyon. Naikulong siya sa malalaki nitong bisig.

“Kapag sinabi kong si Anna ka, ikaw si Anna. Kapag sinabi kong bente anyos ka na, bente anyos ka na. Bayad ka na. Nabili na kita. Akin ka na! Malinaw na ba? O papatayin ko pa ang tiyang mo para matauhan ka?”

***

 NATIGIL ang pagbabalik-tanaw niya nang danggilin siya ng isang malaking babae. Tiningnan niya ito. Si Tres. Tres ang tawag nila sa babaeng mataba dahil tatlong tao raw ang sabay-sabay na pinatay nito kaya nakulong. Kinakatakutan ito sa bilangguan. Sabi ni Alice, ‘wag na ‘wag daw siyang lalapit kay Tres kung ayaw niyang malintikan. Ilang beses na kasi itong nakapatay ng kapwa bilanggo.

Ngunit wala na siyang pakialam. Pakiramdam niya’y wala na rin namang patutunguhan kung ipagpapatuloy niya pang mabuhay. Desperada na siyang mamatay.

“Puta. Wala ka man lang respetong hayop ka! Tabi!” nanggagalaiting untag nito sa kanya.

Hindi siya tumabi. Nanatili siyang nakahawak sa rehas at tumingin sa kawalan. Ilang sandali pa ay naramdaman niya na lang ang marahas na pagtulak nito sa kanya. Dahilan para masubsob siya sa sahig. Animo’y isang itong wrestler nang daganan ang maliit niyang katawan at paulanan siya ng sabunot at suntok.

“Porke maganda ka, hindi kita papalampasin!”

Hindi siya makalaban. Napakahina niya. Bawat suntok mula kay Tres ay para siyang binabalik mundong dati niya nang kinasadlakan.

***

Katatapos lamang ng kasal, iyon na yata ang pinaka-ayaw niyang araw. Hindi siya makalabas ng CR. Alam niyang may mangyayari. Ilang gabi na ring nagpaparinig sa kanya si Julio na sabik-sabik na ito sa kanya.

Hindi niya masikmura. Unang-una, kinse pa lang siya. Ni wala pa sa isip niya ang makipagtalik. At pangalawa, kwarenta anyos na si Julio. Kung buhay lang ang Papang niya’y magkasing-edad lamang sila.

Tiningnan niya ang repleksyon sa salamin at muling napalunok nang makita ang rason kung bakit siya naroon. Siya kasi ang pinakamaganda sa baryo nila. Kaya naman nang madayo roon si Julio, walang pag-aalinlangan itong pumanhik sa bahay nila at hiningi siya sa kaniyang tiyang.

Pagkatapos sumulyap, huminga siya nang malalim bago tuluyang lumabas. Hindi nga siya binigo ng hinuha dahil pagkalabas niya pa lang, tumambad na sa kanya ang nakangising si Julio na animo’y pinahihiwatig ang mga salitang, “Akin ka na.’’

***

NATAUHAN lamang siya nang marinig ang malakas na pito. Napansin niya ang pagtigil ni Tres sa pagsuntok. Sabay silang napalingon sa pulis na dumating. Ang buong akala niya’y pipigilan si Tres ng pulis na iyon. Ngunit laking gulat niya nang mag-ngitian ang dalawa.

“Ipaubaya mo na sa ‘kin ‘to, Chief,” mapreskong bulalas ni Tres. Narinig na lamang ni Anna na tumawa lang ang pulis at muling naglakad palayo sa kanila.

Nagsimula siyang pagpawisan nang malamig. Pakiramdam niya’y kaunti na lang, mawawalan na siya ng ulirat. Hindi niya na rin maramdaman ang bawat suntok. Ang alam niya lang ay hindi na siya makahinga. Ilang sandali pa ay nagdilim na ang paningin niya. At sa hindi maipaliwanag na pagkakataon, muli niyang naalala ang isang kademonyohan.

***

MASIKIP at madilim sa lugar na pinagtataguan niya pero mas gugustuhin niya iyon kaysa ang makaharap si Julio. Wala siyang pakialam kung kumakalam na ang sikmura niya o kung ihing-ihi na siya.

Napakalakas ng kabog ng dibdib niya. Ipinikit niya na lamang ang mga mata nang marinig ang mga yabag ng paa papalapit sa kinalalagyan niya. Ramdam niya ang pagbuo ng malalamig na pawis sa noo, pilit niya pang ipinagsiksikan ang sarili sa pinakasulok ng ilalim ng lababo. Takot na takot siya. Kung dati’y ayaw niyang maging taya sa larong tagu-taguan, ngayon, ayaw niyang makita si Julio.

Ngunit alam niyang sa larong ito, iisa lang ang mananalo. Si Julio.

“’Wag ka nang magtago.” Tumawa pa ito nang mala-demonyo. “Naaamoy kita…sariwa kong asawa.”

Napalunok si Jessa. Nanginginig na rin ang kamay niya sa kaba.

“Bulaga!”

Nanlaki ang mata niya. Napakabilis ng mga pangyayari. Para siyang isang paslit na hinila ni Julio palabas. Nanlilisik ang mga mamula-mulang mata nito, halatang kagagamit pa lang ng ipinagbabawal na  asa.

“Julio, tama na…” pagmamakaawa niya. Ngunit animo’y bingi ang nasa harapan niya. Walang pakundangan nitong pinupunit ang damit niya.

“Wala kang karapatang umayaw, putangina!”

Maluha-luha niyang itinulak ang dumadambang si Julio ngunit wala siyang lakas. Ilang araw na siyang binababoy ni Julio at wala siyang magawa, kundi ang umiyak.

“Is-isusumbong kita sa pulis kung hindi ka titigil,” pautal-utal na sambit niya.

Tumawa lang ang demonyo. “Nakakalimutan mo na ba? Ako ang pulis?” Tumawa na naman ito at tuluyang ginawa ang bagay na yumuyurak sa pagkatao ni Jessa.

Totoo nga namang sa mata ng batas, kung sino ang makapangyarihan, sila ang panalo. Wala. Walang maniniwala sa kanya.

 

***

PAGMULAT niya, ang akala niya’y tapos na ang pahirap ni Tres sa kanya. Hindi pa pala. Patuloy pa rin pala ito, ang masaklap pa’y may dala na itong martilyo. Halos mabaliw siya nang ipukpok nito ang hawak sa noo niya. Ramdam niya ang pag-agos ng dugo.

Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon. Ngunit sa koneksyon na mayroon ito, hindi malabong kaya nitong makakuha ng mga ganoong mga gamit.

“Tama na…”

“Ha? Tama na? Dapat lang sa ‘yo ‘tong hayop ka!” Muli siya nitong pinukpok sa katawan, sa kamay, sa tuhod at sa kung saan-saan na para bang hindi siya tao.

Hindi niya na alam kung alin sa parte ng katawan niya ang iintindihin. “B-bakit ba…tama na. Wala akong ginagawa sa ‘yo…”

“Pinatay mo si Julio. Ang lalakeng mahal na mahal ko! Ano’ng tama na?” Mas lalo pang pinag-ibayo ni Tres sa panananakit at pagpukpok sa kanya.

Ngunit hindi niya na iyon alintana. Nanayo ang balahibo niya nang maalala niya ang isang gabi nang maglasing si Julio.

***

“Tama na, Tres. Ayoko sa ‘yo…”

Naalimpungatan si Anna nang marinig ang boses ni Julio. Lumabas siya mula sa kwarto at nakita niyang pasuray-suray na pumasok si Julio. Lasing ito at kagagaling lamang sa trabaho. Nang tingnan niya ito’y sumalampak ito sa sopa, pikit ang mga mata at para bang may tinutulak.

Akmang maglalakad na sana siya pabalik nang maramdaman niya na lang ang pagpupog ng halik sa kanya ni Julio. “Ang maganda kong asawa,” nakangisi nitong sambit habang hinuhubaran siya.

“Julio, tama na! Pagod ako.”

Humalakhak ito at kinabig lang siya palapit. “Anong tama na, eh akin ka na?”

***

“Anna. Gumising ka, huy! ‘Wag ka munang mamamatay…”

Gusto niyang imulat ang mata ngunit hindi niya magawa. Marahil, iyo’y napupuno na rin ng sugat at pasa. Manhid na ang buo niyang katawan. Hindi na rin siya makagalaw.

“Huy, Anna. ‘Wag ka munang mamamatay, lumaban ka…” garalgal na sambit ng pamilyar na tinig. Alam niyang si Alice iyon. Halatang umiiyak. Gusto niyang ngumiti at aluin ito. Kahit papaano’y nakahanap siya ng kasangga sa bilangguan.

Ngunit wala na siyang rason para magpatuloy. Himala na lang siguro ang makapag-aahon sa kanya mula sa kailaliman ng pagkabaon. Gusto niya nang mamatay.

Sa kamatayan, wala nang sakit, wala nang pait.

Unti-unti, muli siyang linamon ng karimlan.

***

“Hindi ka makakatakbo sa ‘kin! Akin ka, Anna.”

Nanginginig niyang isinarado ang pinto. Yakap-yakap ang umiiyak na sanggol. “Shhhh… Tahan na, anak ko. Okey lang, okey lang. Seyp ka kay Mama.” Hinalikan niya ito sa pisngi, hindi alintana ang sakit ng katawan dahil sa pambubugbog ni Julio.

“Ano ba, Anna? Hindi mo ba ilalabas ‘yang anak mo sa ibang lalakeng puta ka?”

Naikuyom niya na lamang ang mga palad. Hindi niya maintindihan kung saan nanggaling ang ideyang iyon. Marahil, hindi na rin ito makapag-isip nang tama dahil lulong na ito sa droga.

“Mahal na mahal ka ni Mama,” bulong niya.

“Puta, isa!”

Mas hinigpitan niya pa ang pagkakahawak sa sanggol. Makailang beses niya itong hinalikan sa noo at kahit nanghihina’y pinilit niyang itulak ang pinto para hindi makapasok si Julio. “Hindi ko hahayaang saktan ka niya, mahal kong Mira.”

Ngunit babae siya.

Mahina. Ilang sandali pa’y nabuksan nang tuluyan ang pinto. Napasubsob siya sa sahig ngunit ma-ingat niyang ikinulong sa bisig si Mira. Hindi niya hahayaang masaktan ito, ang mahal niyang anghel.

“Hindi mo ibibigay? Puta, akin na!” Marahas na inaagaw ni Julio mula sa kanya ang bata ngunit matigas siya. Hindi pwedeng si Mira.

“Tama na, anak mo siya. Bakit mo siya sasaktan?” nanghihinang turan niya.

Tumawa lang si Julio. Alam niyang bingi na ito. Kinilabutan siya nang makitang ikinasa nito ang kalibre kwarenta y singkong baril. Hindi niya na alam ang gagawin.

Halos mabaliw siya nang itutok nito sa ulo ng bata ang baril. Hindi. Hindi maaari. Walang ano-ano’y inagaw niya mula sa demonyo ang baril at walang pag-aalinlangang kinalabit ang gatilyo. Pumutok ito. Tumama sakto sa ulo ni Julio.

Bigla man sa pangyayari’y kinuha niya ang bata at tumakbo palayo sa bahay na iyon. Pagod na siya. Kaunti na lang ang itatagal niya. Pero kakayanin niya, para kay Mira.

Ngunit nagdilim ang kaniyang paningin. Pati pala sa panaginip ay maaari ring mawalan ng ulirat.

 

***

 Sa pagbago ng senaryo, nakita niya ang maaliwalas paligid. Naririnig niya ang mga huni ng mga ibon. Ramdam niya ang mamasa-masang lupa, ang malamig na simoy ng hangin.

Payapa. Napakalayo ng pakiramdam sa kulungan.

Ilang sandali pa’y narinig niya ang pamilyar na tawa. Palingon-lingon siya, sinusundan ang pinagmumulan ng nakatutuwang tunog na iyon. Pakiramdam niya’y sasabog ang puso niya. Napakatagal na rin nang huli niyang marinig iyon.

Nang makita niya ang hinahanap, napahinga siya nang malalim at maluha-luhang kinarga ang pinakamamahal na anak. Ang anak na kinuha ng pamilya ni Julio. Ang anak na kahit ilang beses niyang ipinagmakaawa sa mga ito’y hindi hinayaang ipakita sa kanya.

“Miss na miss na kita.” Hinalikan niya ito sa noo. “Pwede bang dito na lang si Mama? Dito na lang tayo,” maluha-luha niyang sambit. Ngunit alam niyang panaginip lang iyon. Sa totoong buhay, napakalabo na nilang magkasama. Alam niyang panandalian lang iyon.

“Mahal na mahal ka ni Mama. Mahal na mahal,” mangiyak-ngiyak na sambit niya.

***

NAPALILIBUTAN ng puti ang paligid. Nang tingnan niya ang sarili’y napakaraming tubo ang nakakabit sa kanya.

Buhay pa siya. Ang akala niya’y mamamatay na siya. Nanghihina man ay pinilit niyang aninagin ang taong papalapit sa kanya. Nang makita ito’y nakaramdam siya ng tuwa. Si Alice. Suot pa rin nito ang kulay kahel na t-shirt.

“Sa wakas! Gising ka na!”

“Buhay pa pala ako,” malungkot niyang sagot.

“Ano bang klaseng pag-iisip ‘yan, J-Jessa?”

Napapitlag siya sa narinig. Napakatagal na rin nang may tumawag sa kanya noon. “Paano mo nalaman?”

“Umamin na ang pamilya ni Julio sa ginawang kababuyan ng hayop sa ‘yo. Nakonsensya yata. Alam na ng lahat na hindi ikaw si Anna.”

Tahimik lang siya habang prino-proseso ang lahat.

“At menor de edad ka pa lang pala? Akalain mong ang laking bulas mo.” Nakangisi itong hinahaplos-haplos ang buhok niya. Para siyang nabunutan ng tinik. Ngunit panandalian lang iyon.

“Teka nga, bakit busangot? Wala kang karapatang bumusangot, ano ba?”

Napailing na lang siya. “Sana natuluyan na lang ako,” humihikbing turan niya.

Paano ba mabuhay kung matagal na siyang pinatay?

“Tumayo ka na,” kaswal na sagot naman ni Alice na para bang hindi man lang siya nakikitang umiiyak. Tiningnan niya ito nang masama. Hindi kasi nito maintindihan ang nararamdaman niya.

“Baka lang naman gusto mong tumayo para tingnan ‘yong basket sa may labas. May nag-iwan yata ng prutas.”

Mas lalong sumama ang tingin niya.

Itinaas naman ni Alice ang kamay niya habang tumatawa. “Sabi ko nga, ako na.” Mabilis itong naglakad palabas ng kwarto. Nang bumalik ay bitbit nito ang isang malaking basket ngunit hindi niya iyon pinansin. Nakatingin lamang siya sa kawalan.

“Hindi mo ba papansinin ang regalo?” tudyo ni Alice.

Napabuntong-hininga na lang siya at sinubukang tingnan kung ano iyon.

At halos walang paglagyan ng tuwa ang puso niya nang makita ang nilalaman ng basket. “Mira…Mira? Ikaw ba ‘yan, Miracle?” Masaganang dumadaloy mula sa mata niya ang luha ng saya. Sa pagkakataong iyon, mukhang nangyari na nga ang himalang hinihintay niya para muling magpursigeng mabuhay.

Ilang sandali pa, ngumiti ang maliit na anghel na animo’y naiintindihan ang sinasambit niya.

-WAKAS-

Ang maikling kwentong ito ay inilahok ko sa Saranggola Blog Awards 8.

http://www.sba.ph

saranggola-336x280


Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s